MANILA, Philippines - “Walang palakasan, walang sinuman na bibigyan ng pabor para sa mga housing loans.”
Ito ang ipinangako ni Vice President Jejomar Binay kasabay ng paniniguro na magpapatupad sila ng reporma sa Home Development Mutual (Pag-IBIG) Fund para mahikayat ang mga developers na magtayo pa ng mga socialized housing units.
Si Binay ang namumuno sa Housing and Urban Development Coordinating Council at chairman ng Board of Trustees ng Pag-IBIG Fund.
Sa kanyang pagdalo sa Subdivision and Housing Developers Association (SHDA), inilatag din ni Binay ang ilan sa mga repormang balak ipatupad ng pamahalaan sa funding, processing time ng loans at titling of lands.
Siniguro rin niya na kanyang aayusin ang problema sa malaking pagkakaiba ng loanable Pag-IBIG funds.
Anya, ang Pag-IBIG ay bumubuo ng isang bagong polisiya na magsasama ng isang ceiling computation para sa single borrower limit (SBL) sa lahat ng loans ng mga developers, maging ito ay institutional o end-buyers financing.
Kabilang sa kasalukuyang SBL policy, ang mga developers ay maaring makahiram ng aabot sa P3 billion para sa institutional loan. Maaring mag-avail rin sila ng end-buyer’s loan sa mga walang SBL.
Sinabi ni Binay na ang ganitong polisiya ang siyang nasamantala umano ng Globe Asiatique para makahiram ng P8 billion mula sa Pag-IBIG – P5 billion sa end-buyer’s loan bukod sa P3 billion institutional loan.