MANILA, Philippines - Umaaray na ang mga hog dealer sa bansa sa sobrang importasyon umano ng baboy na nagpapabagsak ng kanilang industriya.
Sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan sa Dapitan kahapon, sinabi ni AGAP partylist Rep. Nick Briones, na ngayon pa lamang at hanggang sa Disyembre ay hindi na dapat payagan pa ang pag-aangkat ng baboy dahil sobra-sobra ang suplay sa merkado.
Nasa kamay na umano ng gobyerno ang pagkontrol sa pagbibigay ng permit sa pag-aangkat at kung di mapipigilan ay malaki ang ikalulugi ng mga local na negosyante na napipilitang makisabay sa murang presyo bunga ng over supply.
Aniya, dapat na ang binibigyan lang ng permit to import ay iyong mga meat processor at hindi mga dealer dahil tiyak na sa mga palengke ibebenta ng mga ito ang mga inangkat na baboy.