MANILA, Philippines - Mas pinagkaabalahan pa umano ni Pangulong Aquino ang pagbabasa sa report ng Incident Investigation ang Review Committee (IIRC) kaysa paghandaan ang biyahe sa Amerika ngayong darating na linggo.
Sinabi ni Presidential spokesman Edwin Lacierda sa Radyo ng Bayan, nasa 10 volume ang annexes ng report ng IIRC tungkol sa isinagawang imbestigasyon sa palpak na hostage incident sa Quirino Grandstand noong Agosto 23 na ikinasawi ng walong turista mula sa Hong Kong.
Hanggang kahapon ay hind pa rin inihahayag ng Malacañang kung sinu-sino ang inirekomenda ng IIRC na dapat kasuhan sa pumalpak na hostage taking.
Muling tiniyak ni Lacierda na walang mangyayaring takipan sa naganap na trahedya at walang basehan ang mga agam-agam na posibleng baguhin ang nilalaman ng report kaya hindi pa inihahayag sa media.
Samantala, magre-request si Senator Gringo Honasan ng kopya ng IIRC report upang malaman kung sapat na ang imbestigasyon o kailangan pang ipagpatuloy ng Senado ang sinimulang pagdinig kaugnay sa hostage crisis.
Matatandaan na sinimulan rin ng Senado ang imbestigasyon kaugnay sa insidente pero itinigil nila ito at itinuon ang imbestigasyon sa media upang hindi maging sagabal sa isinagawang pagdinig ng IIRC.