MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na bodega at dalawang retail store na inireklamong nagbebenta ng pekeng Casio calculators na tinatayang nagka kahalaga ng P10 milyon.
Ayon sa ulat, nakakumpiska ng 20,000 piraso ng pekeng Casio electronic at scientific calculators sa RB Abalos Electronics sa Maynila.
Isinagawa ang operasyon matapos magsumite ng reklamo sa NBI ang legal counsel ng Casio Computer Co., Ltd na MCP Law na nagkalat ang mga pekeng produkto sa merkado. Dito na nagsagawa ng surveillance at test-buy ang mga tauhan ng NBI Intellectual Property Rights Division sa mga tindahan bago isinagawa ang pagsalakay.
Bitbit ang 12- search warrants mula kay Judge Antonio Eugenio Jr. ng Manila Regional Trial Court Branch 24 para sa trademark infringement at unfair competition laban sa anim na establisimyento.
Una nang sinalakay ng mga awtoridad ang ilang bodega sa Pasay City at lalawigan ng Rizal.