Verzosa sinopla si Robredo
MANILA, Philippines - Tila sinupalpal ni retired Philippine National Police Director General Jesus Verzosa ang pahayag ni DILG Secretary Jesse Robredo na hindi umano pinansin ng una ang kanyang mga direktiba ukol sa jueteng.
Sa isang sulat noong Hulyo 26 mula sa PNP, nakasaad na ipinaalam ni Verzosa kay Robredo noong pang Hulyo 15 na kanyang inutusan ang lahat ng mga yunit ng PNP na palakasin ang kampanya laban sa anumang sugal partikular ang jueteng at magsumite ng ulat linggo-linggo simula Hulyo 30.
Si Robredo ay tumatanggap ng mga lingguhang ulat mula sa anti-illegal gambling campaign simula Hulyo 26. Ang direktiba ni Robredo ay may petsang Hulyo 20.
Sinabi ni Verzosa kay Robredo na ang PNP Directorate for Intelligence ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga ulat na ang mga jueteng operator sa Metro Manila ay ginagamit ang mga pangalan ng mga opisyal ng DILG at PNP, at ang Small Town Lottery (STL) ay ginagamit din bilang “front” ng jueteng.
Sa araw na natanggap niya ang direktiba mula kay Robredo, kaagad pinulong ni Verzosa ang mga opisyal upang pag-usapan ang solusyon sa mga iligal na sugal lalo na ang jueteng.
Ilan sa mga solusyong ito ay ang pagpapalakas ng PCSO STL project, implementasyon ng kampanya laban sa mga iligal na sugal at pagbibigay ng hanapbuhay sa mga dating kabo at kubrador ng jueteng.
Ang naturang pulong ay dinaluhan ni DILG Usec. Rico Puno at ang PNP directorial staff.
- Latest
- Trending