MANILA, Philippines - Nanggagalaiti umano sa galit ang pamahalaan ng Bahrain dahil sa ginawang pagbaklas ng National Bureau of Investigation (NBI) sa upuan ng eroplano ng Gulf Air na pinagkakaupuan ni Alma Dagdagan Estrelles, ang sinasabing ina ng sanggol na iniwan sa kubeta ng eroplano noong Setyembe 12.
Kahapon ay nagtungo sa NAIA ang NBI agents upang baklasin ang upuan ng Gulf Air para isailalim sa forensic examination upang mapagkumpara ang dugong naiwan sa upuan sa dugo ng bata.
Ito umano ang pagbabasehan ng mga awtoridad kung ano ang kanilang susunod na hakbang kapag nagtugma ang dugo ni Estrelles at ng sanggol.
Ayon sa ilang opisyal ng Gulf Air sa Ninoy Aquino International Airport sa Terminal 1, hindi raw nagustuhan ng pamahalaan ng Bahrain ang ginawang pagtanggal ng mga NBI agents sa upuan ng eroplano dahil ito ay extension ng kanilang bansa.
“The NBI must be reminded that they are dealing with a sovereign country and Gulf Air is an extension of Bahrain’s territory and any parts of the airplane should not be taken away without our permission,” ayon sa isang opisyal ng Gulf Air sa NAIA.
Nabatid na hindi hu mingi ng pahintulot ang NBI agents nang pumasok sa loob ng eroplano ng Gulf Air at baklasin ang upuan.
Napag-alaman na magpapadala ng official statement ang Gulf Air mula sa Bahrain.