Robredo kinastigo sa jueteng
MANILA, Philippines - Kinastigo kahapon ni Sen. Chiz Escudero at iba pang mambabatas sa Mababang Kapulungan si DILG Sec. Jesse Robredo sa paninisi sa Philippine National Police kaugnay ng ‘di masupil na paglaganap ng jueteng sa bansa.
Ayon kay Escudero, kakatwang tinutuligsa ni Robredo ang “kahinaan” ng isang sangay ng pamahalaan na nasa ilalim din ng kanyang pangangasiwa.
“Sec. Robredo should protect the PNP as an institution under DILG. Why is he destroying it by badmouthing the very organization he’s supposed to protect?” wika ni Senador Escudero.
“Wala syang (Robredo) ginawa kundi magturo at magpasa ng sisi,” ayon naman kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano.
Dagdag ni Mariano, ito rin ang ginawa ni Robredo sa naganap na Manila hostage-taking noong Agosto 23 imbes na ipag laban ang mga taong nasa ilalim ng kanyang pamumuno.
Bunsod nito, muling hiniling ni House minority leader at Albay Rep. Edcel Lagman, isang kritiko ni Robredo, na dapat magbitiw sa tungkulin si Robredo dahil sa delicadeza. Tinawag pa na “incompetent’ ni Lagman si Robredo.
Sabi naman ni Sen. Miriam Defensor Santiago, ang pagsugpo sa jueteng ay parehong trabaho ng DILG at PNP at kailangang magtulungan ang dalawang ahensiya upang mapahinto ang jueteng.
Wika ni Santiago, ang paninisi ni Robredo ay hindi katanggap-tanggap.
“(This is) a standard defense which is unacceptable because identifying jueteng operators is the task of the [Department of Interior and Local Government] and [Philippine National Police] chief,” wika ni Santiago.
Nakatakdang magsagawa ng hiwalay na im bestigasyon ang Senado at Kamara ukol sa pahayag ni dating Lingayen Archbishop Oscar Cruz na ang ilang opisyal sa ilalim ng Aquino administration ay tumatanggap ng buwanang jueteng payola.
P2M weekly payola sa DILG chief?
Kasunod pa rin ng tumitinding isyu sa jue teng, inakusahan naman ng isang military spy sa Bicol ang DILG chief na tumatanggap umano ng P2 milyon bawat linggo bilang jueteng payola.
Isang “bagwoman” umano ang nagdadala ng pera kay Robredo nang ang huli ay mayor pa ng Naga.
Magugunita na pinagdudahan ang nasyonalidad ni Robredo na sinasabing hindi Pilipino at ipinagbabawal ng Konstitusyon na siya ay maupo sa anumang posisyon sa gobyerno lalo na iyong may kinalaman sa seguridad ng bansa kahit na siya ay “acting” lamang.
- Latest
- Trending