MANILA, Philippines - Kinilala na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Pinay na pinatay at may saboy ng asido sa Saudi Arabia na si Romilyn Eroy-Ibanez, 22, tubong North Cotabato.
Ayon sa DFA, mahigit tatlong buwan pa lamang na nagtatrabaho sa Saudi si Ibanez bilang domestic helper matapos na dumating sa Alkhobar noong Mayo 31, 2010.
Sinabi ng Embahada na inaantabayanan na nila ang investigation report na isusumite ng Alkhobar Police sa Embahada at inaasahan na ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa responsable sa pagkasawi ng biktima.
Si Ibañez ay nakitaan ng tama ng saksak sa leeg, dibdib at kamay at maraming acid burns sa bibig, braso at hita.
Ayon kay Vice Consul Paul Saret, 3rd Secretary ng Philippine Embassy, isinugod si Ibanez sa King Fahd Hospital sa Alkhobar matapos siyang makita na nakahandusay at duguan sa kusina ng bahay ng kanyang employer.
Natagpuan naman ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang halos walang lamang container ng sulfuric acid na pinaniniwalaang ginamit sa pagsaboy sa OFW.
Hiniling na ng DFA sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na suspindihin ang lisensya ng PRA Solidworks Manpower Resources & Promotion, ang ahensya na nag-recruit kay Ibanez.
Lumabag umano ang ahensya matapos na bumagsak sa pagiging household worker ang nasabing OFW bagaman inakala nito na magtatrabaho siya bilang nursing aide sa Saudi.
Nakatakda nang iuwi sa bansa ang labi ng Pinay.