MANILA, Philippines - Hindi magpapa-awat ang House Commitee on Justice kaya itutuloy nito ang impeachment hearing laban kay Chief Ombudsman Merceditas Gutierrez kahit inaprobahan ng Supreme Court ang ‘temporary restraining order’ (TRO) na pumapabor at pansamantalang magpapahinto sa gagawing pagdinig ng mga kongresista sa Kamara.
Ayon kay Rep. Neil Tupas, chairman ng komite na hihilingin niya sa pamunuan ng Kongreso na ipagpatuloy ang hearing dahil ito aniya ay nasa Constitution kaya kailangan ituloy nila ang pagdinig at tapusin ito sa loob ng 60 days.
Sabi ni Tupas, ang Kamara ay may ‘exclusive’ mandate tungkol sa impeachment proceedings kaya sila lamang ang magkakapagsabi kung ipagpapatuloy nila o hindi ang nasabing reklamo laban kay Gutierrez.
‘Dapat namin gawin ang trabaho sa Kongreso at hindi naman namin nilalabanan ang Supreme Court tungkol sa kanilang decision,’ ani Tupaz.
Nilinaw naman ni Gutierrez na hindi siya boluntaryong aalis sa kanyang puwesto kahit na may mga panawagan na siya ay maalis na sa kanyang tungkulin.
“I will follow the order of the SC because I believe in the rule of law. I will be waiting for further orders as far as i am concerned,” pahayag ni Gutierez. (Butch Quejada/Angie dela Cruz)