Undersecretary Puno pinakakastigo sa jueteng
MANILA, Philippines - Dapat umanong patunayan ng pamahalaan ang kaniyang sinseridad kontra sa jueteng sa pamamagitan ng pagsuspinde o pagpapaimbestiga kay DILG Undersecretary Rico Puno kasunod ng mga pagbubunyag sa pagbabalik ng naturang illegal na sugal.
Pinuna ni National Association of Lawyers for Justice and Peace (NALJP) Chairman Atty. Jesus Santos na ang pagsugpo sa jueteng ay pangunahing trabaho ng kapulisan at si Pangulong Aquino mismo ang nagkumpirma na si Puno ang may hawak sa Philippine National Police (PNP).
“Sa ilalim ng batas, ang DILG secretary ang siyang may control sa PNP. Subalit inilipat ito ng Pangulo sa hindi pa malinaw na dahilan kay Ginoong Puno. Samakatuwid, si Ginoong Puno ang dapat imbestigahan kung bakit may jueteng na naman tulad ng ibinunyag ni retired Archbishop Oscar Cruz.
Ipinagtataka naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago kung bakit hindi kaagad isiniwalat ni Puno ang paglapit sa kaniya ng mga jueteng fixers at hindi ipinahuli ni Puno ang sinasabi nitong mga jueteng operators gayong ilegal ang nais mangyari ng mga ito.
Sinabi ni Santiago na maliwanag na nagkaroon ng tangkang panunuhol kaya dapat ipinahuli kaagad ni Puno ang mga jueteng fixers.
- Latest
- Trending