Lacson inireklamo sa Ethics
MANILA, Philippines - Sinampahan kahapon ng reklamo sa Senate Committee on Ethics and Privileges si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na hindi pa rin sumisipot sa Senado simula noong magbukas ang 15th Congress.
Sa 14 pahinang ethics complaint na isinampa nina Dante Jimenez at Lauro Vizconde ng Volunteers Against Crime and Corruption, nais nilang imbestigahan ng Senado at patawan ng kaukulang parusa ang senador dahil sa pagtatago sa batas matapos isyuhan ng warrant of arrest dahil sa double murder case.
Masamang ehemplo rin umano ang paggamit ni Lacson sa kaniyang opisina at katayuan bilang senador noong ito ay tumakas at lumabas ng bansa.
Ginamit ding batayan sa ethics complaint ang pag-absent ni Lacson sa sesyon ng Senado mula noong Enero na maituturing umanong pagtalikod sa kaniyang trabaho.
Kinuwestiyon din ang pagmamantine ni Lacson ng kaniyang opisina kung saan mayroon siyang full time staff sa Senado.
Ikinadismaya rin nina Jimenez at Vizconde na sa halip na disiplinahin ng liderato ng Senado si Lacson, binigyan pa ito ng committee chairmanship kaya maituturing umanong kinakanlong ang nagtatagong senador.
- Latest
- Trending