'Impeach Mercy itigil!' - SC
MANILA, Philippines - Pansamantalang ipinatitigil ng Korte Suprema ang impeachment proceedings ng Mababang Kapulungan ng Kongreso laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Ito ay matapos na magpalabas kahapon ng status quo ante order ang Supreme Court (SC).
Sinabi naman ni SC spokesman at Court Administrator Atty. Midas Marquez na ang pag-iisyu ng status quo ay dahil sa nakabinbin pa ang desisyon sa inihaing petition ni Gutierrez.
Naghain kamakalawa si Gutierrez ng petition for certiorari and prohibition sa SC para ipatigil ang impeachment proceedings na nauna nang idineklara ng House Committee on Justice na sufficient in form and in substance.
Iginigiit ni Gutierrez sa kanyang petisyon na lalabagin ng naturang impeachment proceedings ang probisyon sa Konstitusyon na isang impeachment complaint ang puwedeng ihain kada taon.
Samantala, sinabi ni Rep. Neil Tupaz Jr., chairman ng House Committee on Justice na taliwas sa Saligang Batas ang pagpapatigil ng SC para sa dalawang impeachment complaints laban kay Gutierrez.
Ani Tupaz, may ekslusibong kapangyarihan ang Kongreso na mag-proseso ng impeachment complaints laban sa mga impeachable public officials.
Kakausapin ni Tupaz ang mga kasapi sa Justice Committee kung anong legal option ang kanilang gagawin habang hindi pa matiyak kung matutuloy ang susunod na pagdinig sa Sept. 20 at 29. (Gemma Garcia/Butch Quejada)
- Latest
- Trending