MANILA, Philippines - Isa pang bagong silang na sanggol ang itinapon sa tambakan ng basura sa bahagi ng Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga at himalang nailigtas sa kamatayan sa kabila ng pagkakabalot sa isang plastic bag.
Kasunod ito sa pagkakakuha sa isang lalaking sanggol na bagong panganak sa CR ng Gulf Airlines, na nakabalot sa isang itim na plastic bag, bago pa lumapag sa Ninoy Aquino International Airport, kama kalawa ng umaga.
Bunsod umano ng maliliit na tinig ng palahaw ng sanggol, isang Rolando dela Cruz, tricycle driver, na namamasada ang sinubukan nitong hanapin ang iyak ng beybi at natunton ito sa loob ng isang pulang plastic bag na puno pa ng dugo at tinatayang kasisilang pa lamang, dakong alas-7:40 ng umaga, sa Felix Huertas at Cavite Sts., sa Sta. Cruz, Maynila.
Agad niya itong ipinaalam sa nakasasakop na barangay at pulisya bago dinala sa Chinese General Hospital ang sanggol.
Kinumpirma naman sa Emergency Room ng nasabing ospital na ligtas na sa panganib ang sanggol at kasalukuyan itong inoobserbahan. Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 34 weeks na sanggol na natagpuan sa loob ng CR ng Gulf Air flight 154 na eroplano galing Bahrain.
Sinabi ni DSWD Secretary Dinky Soliman na ang sanggol na binigyan ng pangalang George Francis ay kakalingain muna ng ahensiya para sa kaukulang disposisyon dito.
Bagamat dumagsa anya ang nagnanais na umampon sa sanggol, hindi agad- agad ito maipaaampon ng ahensiya at titiyakin muna ng DSWD kung maayos ang kalusugan nito bago maisailalim sa foster care.
Nagbigay din ng deadline si Secretary Soliman sa magulang nito ng hanggang 3 buwan para kunin ang baby at kung walang katiyakan na kukunin nito ang baby ay saka sila magsasagawa ng kaukulang dokumento para sa mga nagnanais umampon dito.
Sa ngayon ang sanggol ay nasa East Avenue Medical Center para sumailalim sa tinatawag na new-born screening.