MANILA, Philippines - Mahigpit ang pagtutol ng isang mataas na lider ng Simbahang Katoliko sa plano ng pamahalaan na pagbawas ng budget ng sangay ng hudikatura.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nakalulungkot at nakagagalit ang planong ito dahil “dysfunctional” na nga aniya ang justice system, ay kadalasang ito pa ang lumilikha ng “injustice” o kawalan ng hustisya sa bansa.
Nauna rito, napaulat na plano ng pamahalaan na bawasan ang hinihinging P27 bilyon budget ng sangay ng hudikatura, at gagawin na itong P14 bilyon.
Sinabi ng arsobispo na kung babawasan pa ang pondo ng hudikatura ay lalo lamang maaantala ang pagbibigay ng hustisya.
Sa ngayon nga aniya ay marami na ngang hukuman sa bansa ang walang huwes, kaya’t maraming kasong hanggang ngayon ay hindi pa aniya nadidinig at nadedesisyunan.
Mungkahi pa ni Cruz, sa halip na bawasan ay dapat pa ngang dagdagan ang budget ng judiciary upang makakuha ang pamahalaan ng magagaling na huwes at prosecutors.
Sa ngayon kasi aniya ay maraming magagaling na abogado ang ayaw pumasok sa judiciary dahil walang kita.