Relasyon ng RP at HK baka raw magkalamat
MANILA, Philippines - Naniniwala si Sen. Miriam Defensor-Santiago na posibleng masira ang relasyon ng Pilipinas at Hong Kong dahil sa ipinadalang nakakainsultong liham ng HK kay Pangulong Aquino kaugnay sa August 23 Manila hostage incident.
Ayon kay Sen. Santiago, ginawa ng gobyerno ang kanyang responsibilidad sa nangyaring hostage-taking kasunod ng pag-uutos ni Pangulong Aquino para sa isang makatotohanang imbestigasyon sa pamamagitan ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC).
Wika pa ni Santiago, hindi na kailangang magpadala ng nakakainsultong sulat dahil ang pag-insulto sa Pangulo ay pang-insulto sa mga Filipino.
“The relations with China’s administrative director of Hong Kong ang may lamat,” sabi pa ng mambabatas.
Itinanggi ni Donald Tsang, HK administrative director, na nagpadala sila ng nakakainsultong liham habang inamin ni Pangulong Aquino sa kanyang no-holds-barred media interview sa Malacanang na nakatanggap siya ng nakakainsultong sulat subalit hindi na nito tinukoy kung kanino nangmula.
Iginiit pa ni Santiago, ang pagpapadala ng nakaka-insultong liham sa pinuno ng Pilipinas ay paglabag sa diplomatic protocol.
Aniya, ang may kapangyarihan lamang na sumulat sa Pangulo ng bansa ay ang lider din ng Chinese government at hindi si Tsang na isang pinuno lamang ng administrative region.
“Dapat sumulat sa Secretary of Foreign Affairs, dahil mga pinuno lang ng bansa ang pwedeng sumulat sa isa’t-isa,” dagdag pa ni Santiago.
- Latest
- Trending