Laruang may lason nagkalat sa Divisoria
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Eco Waste Coalition sa mga bibili ng laruan para sa nalalapit na kapaskuhan na maging mapanuri matapos mapabalitang nagkalat umano ngayon sa Divisoria, Maynila ang mga laruan na nagtataglay ng nakalalasong kemikal.
Ayon kay Roy Alvarez, pangulo ng EcoWaste, nang isagawa umano ang ‘shop browsing’ sa Divisoria kasunod ng toy scare sa Singapore, nadismaya sila ng makitang dalawa sa mga laruang sinuri sa Singapore at napatunayang may nakalalasong chemical, ay nagkalat na rin sa naturang pamilihan. Hindi naman binanggit ng grupo kung anong uri ng laruan ang mga ito.
Dismayado rin ang grupo dahil karamihan sa mga laruan ay walang label na maaaring gamiting guide ng mga consumer sa pagtukoy kung nararapat ba o hindi sa mga bata, at kung maaari bang magdulot ng health risk ang mga ito.
Sa pagsusuri ng Consumer Association of Singapore (CASE) sa may 50 laruan sa kanilang mga pamilihan, 23 dito ay napatunayang may mataas na level ng phthalates at lead.
Nabili umano ng CASE ang mga laruan na pawang gawa sa China, sa mga local na pamilihan at karamihan sa mga ito ay makukulay, na indikasyong posibleng nagtataglay ito ng labis na lead, at malalambot at pliable na plastic na laruan, na indikasyong nagtataglay ito ng labis na phthalates.
Ang phthalates ay industrial chemicals na ginagamit para palambutin ang mga plastic at sinasabing nagiging sanhi nang pagkakaroon ng pinsala sa human reproductive systems, tulad ng atay, bato, at baga ng hayop, habang ang lead naman ay isang neurotoxin na nakakapinsala ng utak at ng nervous system, at mapanganib sa mga sanggol at mga paslit.
Babala pa ng grupo, maaaring magdulot ng mental retardation, brain damage, at behavioral disorders, sa mga bata ang mga laruang may nakalalasong kemikal.
- Latest
- Trending