MANILA, Philippines - Hindi na maaaring iprisinta sa media at ilathala sa mga pahayagan o ilabas sa telebisyon ang mga maaarestong suspek sa isang krimen o kaso.
Batay ito sa inilabas na circular ng Manila Police District na may petsang Setyembre 2, 2010, matapos ireklamo ng mga miyembro ng MPD Press Corps ang ginawang pagtatago ng hepe ng MPD-station 5 na si Supt. Frumencio Bernal at Senior Insp. Azur Villafranca sa impormasyon hinggil sa umano’y naganap na robbery-hostage sa bahay ng isang negosyanteng Filipino-Chinese sa Paco, Maynila nitong Huwebes.
Alinsunod sa guidelines na pirmado ni MPD-District Directorial Staff chief, P/Senior Supt. Robert Galec Po, maaring makapanayam ng media ang suspek subalit hindi na maari pang iprisinta sa media ang mga madarakip na suspek, di tulad ng dati nang nakagawian kung saan inihaharap sa media ang mga madarakip at nakukunan ng litrato at video.
“The presentation of the suspect to the media is not only violative of their constitutional rights of presumption of innocence but also to their human rights subjecting to unwanted publicity thereby besmirching their name and reputation including that of their family before guilty is proven,” saad ng 2-pahinang guidelines.
Samantala, nilinaw din ng MPD na hindi naman ipinagbabawal ang paglalathala ng mga litrato o pagpapalabas sa mga telebisyon ng mga suspect kung sila ay ‘wanted’ o nakalalaya pa.
Sa oras na madakip na ang suspek, hindi rin maaring iprisinta sa media ‘in a firing line manner’ kung lalabagin nito ang Republic Act 9344 (Juvenile Justice and Welfare Act) kung menor de edad (treatment of Children in Conflict with the Law (CICL).
Hindi rin papapayagan ng MPD ang pamilya o kaanak ng biktima na atakehin o saktan ang suspect, batay sa police protocol, na nagsasabing maari silang makasuhan ng assault.