Pacman sa NPA rebels: Sumuko na kayo!
MANILA, Philippines - “Magsisuko na kayo!”
Ito ang panawagan ni Sarangani Congressman Emmanuel “Manny“ Pacquiao sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bansa para landasin na ang pagbabagong buhay at talikdan na ang mahigit 40 taong armadong pakikibaka kontra sa gobyerno.
Si Pacman, isang Army reservist sa ranggong Chief Senior Master Sergeant ng Phil. Army ay nakikiisa sa krusada ng tropa ng mga sundalo na tuldukan na ang communist insurgency na mahabang panahon ng problema ng pamahalaan.
“Lay down your arms and join the mainstream of society,” ani Pacman kung saan inalok nito ng livelihood assistance ang mga rebeldeng susuko sa kanilang lalawigan.
Pinagsabihan din ni Pacman ang mga rebelde na tigilan na ang pagre-recruit ng mga kabataan dahil nasisira ang kinabukasan ng mga ito.
Ginawa ni Pacman ang panawagan kasunod ng pagsuko sa kaniya ng lima pang miyembro ng NPA sa bayan ng Alabel, Sarangani.
Kinilala ang lima na sina Mamerto Bartulaba, 50; Felbert Ontic, 28; Bernard Matugo, 41; Pedring Mapuno, 38 at Benson Labilon, 30, na iprinisinta ni Army’s 73rd Infantry Battalion Commander Lt.Col. Eduardo de Leon kay Pacman.
Nauna nang sumuko kay Pacman ang 10 NPA red fighters sa nasabing lalawigan.
- Latest
- Trending