6 Pinoy nasagip sa 'air and sea assault' ng US sa Somalia
MANILA, Philippines - Anim na tripulanteng Pinoy na kabilang sa 11 crew ng isang German-flagged cargo vessel ang matagumpay na nailigtas ng tropa ng United States Navy at Marines sa kanilang isinagawang air at sea assault sa karagatan na pinamumugaran ng mga pirata sa Somalia.
Sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs, ang 11 tripulante na kinabibilangan ng anim na Pinoy, isang Bulgarian, isang Polish, isang Ukrainian at dalawang Russian ay naglalayag sakay ng M/V Magellan Star kamakalawa nang salakayin ng mga armadong pirata ang barko at tangayin sa Gulf of Aden.
Matapos na makakuha ng distress call ang tropa ng US Navy na nagpapatrulya sa karagatan ay agad na rumesponde at nagsagawa ng air and sea raid sa tinangay na barko.
Sa report, inatasan ni US President Barack Obama at Defense Sec. Robert Gates ang 15th Marine Expeditionay Unit na agad na salakayin ang barko.
Sinabi ng mga US officials na naging tensyonado ang pagsalakay dahil hindi sila gumamit ng anumang armas sa pagpapaputok hanggang sa marating nila ang kinaroroonan ng barko.
Naging alerto naman ang mga crew at sama-sama nilang ikinandado ang kanilang mga sarili sa loob ng cabin nang mapasok ng mga pirata.
Pinalibutan ng US Marines at Navy ang nasabing barko at isinagawa ang mabilis na pagpasok at pag-akyat dito habang nakabantay ang US helicopter.
Umabot ng limang minuto ang assault at nagawa nilang mapasuko ang 9 na armadong pirata bagaman hindi sila nagpaputok at matagumpay nilang nailigtas ang 11 crew kabilang ang anim na Pinoy.
- Latest
- Trending