MANILA, Philippines - Sa Lunes na tatalakayin ng DOJ-Incident Investigation and Review Committee ang statement na kinuha ng DOJ at NBI sa Hong Kong mula sa mga survivor na ayon kay Justice Sec. Leila de Lima ay napakahalaga.
Ayon kay de Lima, sisimulan nila ang internal session bukas hanggang sa Lunes upang talakayin ang mga hindi nagtugmang resulta ng report ng National Bureau of Investigation at PNP-SOCO hinggil sa ginawa nilang imbestigasyon sa hostage incident.
Sinabi rin ni de Lima na sa ngayon ay nagdududa na sila na lahat ng mga bala na tumama sa bus ay hindi lang mula sa sniper batay na rin sa trajectory report ng NBI.
Inirekomenda rin ng kalihim ang pagkakaroon ng actual firing ng rifle upang magkaroon ng comparison, dahil nagdududa ang mga awtoridad sa statement ng bus driver na malapitang binaril ni Sr. Insp. Rolando Mendoza ang mga bihag.
Pinag-aaralan naman ng IIRC kung biktima o kasabwat ng hostage taker na si Sr. Inspector Rolando Mendoza ang driver na si Alberto Lubang.
Pinag-uusapan na rin umano ng panel ang mental state ni Lubang dahil sa magkakaibang pahayag nito sa kanyang testimonya tulad ng hindi niya narinig si Mendoza ng sabihin nito kung magkano ang hinihingi ng isang opisyal ng Ombudsman, hindi nito naririnig ang iyakan ng mga biktima at ng makita nito na malapitang binaril ang mga hostages.
Naghahanap din umano ng kasagutan ang panel kung bakit ang Hong Thai bus ang pinili ni Mendoza na i-hostage at kung bakit pinayagan ni Lubang na makapanik ng bus ang hostage taker gayung mayroong itong dalang armas.