MANILA, Philippines - Kabilang sa mga ipapatawag ng Senado sa nabunyag na maanolyang housing scam sina dating vice president Noli de Castro at Marikina Rep. Miro Quimbo.
Ayon kay Senator Jinggoy Estrada, walang dapat palampasin sa nasabing imbestigasyon na gagawin ng ng Senado kaugnay sa P7 bilyong housing scam kung saan sangkot ang Globe Asiatique Realty Holdings Corp.
Si de Castro ang dating chair ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), na ngayon ay hawak ni Vice President Jejomar Binay, samantalang si Quimbo naman ang chief executive officer ng Pag-Ibig.
Nabunyag ang diumano’y housing scam kung saan nag-loan umano ng bilyong halaga ang Globe Asiatique Realty Holdings Corp. para sa 9,000 buyers sa kanilang housing projects pero lumalabas na karamihan umano sa mga sinasabing borrowers ay hindi naman nag-apply ng loan.
Ang iba naman umanong borrowers ay isinauli ang kanilang accounts dahil wala silang kapasidad na magbayad.
Sang-ayon naman si Sen. Serge Osmena, chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na ipatawag maging si Quimbo na isang congressman.
Ayon pa kay Osmena, dapat mabigyan ng proteksiyon ang pera ng mga miyembro ng Pag-Ibig fund at hindi dapat palampasin ang nangyari.