MANILA, Philippines - Ipinagpaliban ng district court sa Hong Kong ang arraignment sa drug trafficking case na kinakaharap dito ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson.
Sa hearing na isinagawa nitong Martes, nabatid na humingi ng mas mahaba pang panahon ang mambabatas para makapaghain ng plea dahil sumasailalim umano ito sa medical treatment.
Ayon sa abogado ni Singson na si John Reading, kinakailangan pa muna umanong makita ng kaniyang kliyente ang resulta ng naturang treatment bago ito makapagbigay ng plea.
Pinaboran naman ng hukuman ang kahilingan at muling itinakda ang pagbasa ng sakdal sa Oktubre 19.
Si Singson, na anak ni Ilocos Sur Governor Luis ‘Chavit’ Singson, ay nakakalayang pansamantala sa bisa ng piyansang HK$2 million (P12M) na kaniyang inilagak matapos na mahulihan ng 26.1 gramo ng cocaine at dalawang tableta ng diazepam sa Chek Lap Kok International Airport noong Hulyo 11.
Nabatid na kung magpapahayag ng guilty plea sa hukuman ang mambabatas ay maaari itong maharap sa tatlo hanggang walong taong pagkabilanggo at pagmumultahin ng HK$500,000 (P2.8M).
Kung maghahain naman umano ito ng not guilty plea, at mapapatunayan ng hukuman na guilty siya ay maaari umano siyang maharap sa parusang mula tatlong taon hanggang habambuhay na pagkabilanggo at maaaring pagbayarin ng HK$5M (P28.6M).