Oras ng hostage-taking 'di nagtugma
MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kalituhan si Justice Secretary Leila de lima sa pagkakaiba ng statement ng mga pulis at ng driver ng bus maging ng pamunuan ng travel agency hinggil sa oras na magsimula ang hostage taking.
Sa ika-apat na araw ng pagdinig ng DOJ-Incident Investigation and Review Committtee (IIRC), sinabi ni de Lima na nagtataka siya dahil sa mga affidavit umano ng mga pulis ay nakasaad na alas-9:07 pa lang ng umaga ay nasa Quirino grandstand na sila gayong sa affidavit nina Alberto Lubang, driver ng hinostage na Hong Thai Travel bus; Lourdes Amansec, assistant general manager ng bus company at tourist guide na si Diana Chan ay nakasaad na mga 9:45 na sila nakarating ng Quirino grandstand.
Lumilitaw sa statement ng mga ito na yung 9:07 ay nasa Fort Santiago pa ang mga turista.
Naniniwala si de Lima na mahalaga na maresolba ang issue tungkol sa hindi pagtutugma sa oras sa pagitan ng mga pulis at ng tatlong nabanggit sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
Inihayag din ng driver na may mga paraan para ma-disable ang bus mula sa labas. Isinalarawan nito sa komite kung paano mabubuksan ang pinto ng bus mula sa labas.
Sinabi rin ni Lubang na sa labas ng bus ay maaari sanang mapatay ang makina ng bus at maging ang tv monitor.
Matatandaan na sa pagharap ni Amansec kamakalawa ng gabi ay sinabi nito noong maganap ang hostage taking ay naroon siya subalit wala man lang nagtanong sa kanya ng mga impormasyon patungkol sa bus at sa structure nito.
Kasabay nito ay inihayag din ni Lubang na inamin mismo sa kanya ng hostage-taker na si dating P/Capt. Rolando Mendoza na pangalawang asawa nito ang naghatid sa kanya sa Fort Santiago na kinilala lamang sa alyas na Rose.
- Latest
- Trending