Sablay talaga!
MANILA, Philippines - Nadiskubre ng DOJ-Incident Investigation and Review Committee ang kapalpakan ng mga awtoridad sa naganap na hostage matapos na iparinig kahapon ng Radio Mindanao Network (RMN) station sa IIRC hearing ang tensiyonadong audio recording ng kanilang panayam sa hostage-taker na si dating Sr. Insp. Rolando Mendoza sa mga huling sandali ng hostage-taking.
Sa iprinisintang voice recorded interview ni RMN broadcaster Michael Rogas kay Mendoza, binanggit ng huli na 9 na buwan ng inupuan ang motion for reconsideration ng kaso niya subalit pitong buwan pa lamang ay dinismis na ito.
Lumalabas din sa interview kay Mendoza na unang narinig ang warning shot nito kay Col. Orlando Yebra bandang alas 6:12 ng gabi dahil nagalit ito ng malaman mula sa kapatid niyang si SP02 Gregorio Mendoza na hindi pa binabalik ang baril niya.
“Nag-warning shot ako kay Yebra kasi sinungaling siya, ayoko na kausap si Yebra ang sabi niya binalik na niya ang baril pero sabi ng kapatid ko nung nagpunta dito hindi pa daw,” ayon pa kay Mendoza.
Ayon kay Jake Maderazo, spokesperson ng RMN radio, dakong alas 6:26 ng gabi ay naka-on pa ang cellphone ni Mendoza subalit walang sumasagot at tanging ang naririnig lamang nila ay ang mga hostages na nag-iiyakan dahil namamaril na ang hostage taker at sinabi nito na dalawang Chinese na ang kanyang napatay at maging ang driver na si Alberto Lubang ay nagmamakaawa na kay Mendoza na huwag siyang patayin.
Unang ikinagalit umano ng hostage-taker ay nang basahin nito ang sulat mula sa Ombudsman kung saan sinabi nito na “walang laman, basura yan” galit na sinabi ni Mendoza.
Bandang alas 7:50 ay muling nakapag-usap si Rogas kay Mendoza at dito nito nakita sa telebisyon na binibitbit ang kanyang kapatid na si SP02 Mendoza ng pulisya at pilit na sinasakay sa mobile.
“Pag di nila binago ang sitwasyon, pag di nila pinakawalan ang kapatid ko papatayin ko ang lahat ng ito,” pagbabanta pa umano ni Medoza.
Dito na rin nagmura si Mendoza dahil parang baboy na binibitbit ang pinagsusuntok ang kanyang kapatid ng mga umarestong pulis.
“P.I may sumusuntok sa likuran ng kapatid ko pakawalan nyo yan walang kasalanan yan ako ang hulihin nyo, kung hindi babarilin ko tong nasa harapan ko,” galit na banta umano ni Mendoza habang ini-interview ni Rogas.
‘Bakit nila ginaganun kapatid ko. nakikita ko. pag di nila binago yan tutuluyan ko na to. baguhin nila mali ang ginagawa nilang yan. ginagawa nilang baboy ang kapatid ko. pakawalan nila kapatid ko kundi magbabaril ako dito ng isa. Ako may kasalanan dito walang kasalanan yan,” sinabi pa ni Mendoza.
Nagbigay din ng limang minutong deadline si Mendoza para palayain ang kanyang kapatid ng makita na nito sa tv ang sitwasyon at sinabi kay Rogas na paalisin ang mga lumalakad sa gilid ng bus kung saan ang tinutukoy ang SWAT team.
“Kung hindi magbabago ang sitwasyon paalisin nyo yung mga lumalakad sa gilid...uubusin ko na to”,sinabi pa ni Mendoza.
“Walang kinalaman ang kapatid ko. Ako ang may kasalanan,”
Halos naluluha naman ang mga Hongkong observers habang pinapakinggan ang radio interview.
Isa naman sa mga hostages na si Yeung Yee Wa na na-interview ni Erwin Tulfo ay isa sa walong hostages na napatay.
Tila nagparamdam na rin si Mendoza sa interview ng sabihin nito na “walang nangyayari malamang tapusin ko na lahat ng buhay dito.medyo naiirita na po ako”.
“Kung walang matinong mag negotiate tapusin ko na to”, babala pa ni Mendoza.
Tinanong naman ni Teresita Ang See kung bakit hindi umapela si Rogas para sa mga hostages subalit ang sagot nito ay hindi siya negotiators .
“There are human lives at stake,” ayon kay Ang-See
“Subukan nyo pong maupo sa radyo. Napakahirap pong magsalita,” sinabi naman ni Maderazo kay Ang-See.
Iginiit ni Maderazo na kung walang media na magrereport at mayroong putukan sino ang magsasabi ng storya.
Nagsagawa naman ng occular inspection kahapon ang IIRC team sa Quirino Grandstand at sa loob ng Rizal Park PCP.
- Latest
- Trending