MANILA, Philippines - Huhupa lamang ang galit ng mga Hong Kong national kung may “ulong gugulong” o masisibak sa mga opisyal ng pamahalaan na sinasabing nagpabaya at pumalpak sa kanilang tungkulin kaya nauwi sa madugong wakas ang naganap na hostage drama sa Quirino Grandstand kamakailan.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Luzviminda Ilagan, ang ginawang pag-amin ng kapalpakan ni Pangulong Benigno”Noynoy” Aquino III sa naganap na hostage crisis ay pagpapakita ng kahinaan nya bilang pangulo ng bansa.
Dapat umanong humingi ng paumanhin sa mga Filipino si P-Noy dahil sa pagkasira ng Pilipinas sa mata ng international community.
Inihayag naman ni Dolores Balladares-Pelaez, chairwoman ng 6,000-strong member ng United Filipinos Union sa Hong Kong na dapat ngayon pa lang ay sibakin na ang dapat sibakin na opisyal ng pamahalaan na pumalpak sa naganap madugong hostage drama na naglagay sa pangit na imahe ng bansa sa mata ng mga dayuhan.
Kumbinsido rin si Dolores na mawawala lamang ang galit ng China at Hong Kong sa mga opisyal ng gobyerno kung may masisibak na mataas na opisyal ng pamahalaan na dapat sana’y gumawa ng kagyat at matalinong aksiyon noong nagaganap ang negosasyon sa pagitan ng hostages taker na si dating Sr. Insp. Rolando Mendoza at naiwasan sana ang madugong wakas nito.
Habang nagtatagal umano ang ginagawang imbestigasyon sa insidente ay lalong lumalalim ang galit ng mga Hong Kong national kay P-Noy at sa mga opisyal ng pamahalaan.