MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni SPO2 Gregorio Mendoza, kapatid ng napaslang na hostage-taker na si Sr. Insp. Rolando Mendoza, sa ginawang imbestigasyon ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na sobrang takot niya sa pahayag ni Manila Mayor Alfredo Lim na itumba siya kaya nagpasaklolo sa media noong gabi ng Agosto 23 sa Quirino Grandstand.
Sinabi ni SPO2 Mendoza, napilitan siyang tumakbo sa grupo ng media sa labas ng Rizal Park-PCP matapos siyang pilit na isakay sa mobile car ng pulisya matapos sabihin ni Mayor Lim na ‘kapag natuloy ang hostage-taking ay isama na siya sa kapatid’.
Aniya, natakot talaga siya at natakot na baka ang kahulugan ng sinabi ni Mayor Lim ay itumba na siya matapos siyang piliting isakay sa mobile car at hindi niya alam kung saan siya dadalhin dahil sa likod ng presinto siya idinaan at hindi sa harap.
Wika pa ni Mendoza, dahil pulis din siya kaya iba umano ang ibig sabihin ng utos ni Mayor Lim kaya tumakbo siya patungo sa media upang humingi ng saklolo hanggang sa makunan naman ito ng live tv coverage na napanood ng hostage-taker.
“Pagkasabi na isama nyo na yan, lumalabas na kami madilim, maulan yung mga ganung salita hindi maayos yan dapat dun na ako idaan sa labas at sabihih na may kaso ako kung malinis ang intensyon dapat kahit may media iniiwas ko lang ang sarili ko na isama sa kapatid ko”,ayon pa sa kapatid ng hostage taker.
Itinanggi din ni SPO2 Mendoza na sinabi niya sa kanyang kapatid na huwag itong papayag sa alok hanggang hindi naibabalik ang kanyang baril.
Samantala, inamin naman ni Supt. Orlando Yebra, negotiator sa madugong hostage crisis, na walang official manual ang PNP ukol sa hostage taking at walang official unit para humawak ng ganitong sitwasyon.
Nadiskubre din na nagkaroon ng kalituhan sa composition ng Crisis Management Committee (CMC) at Critical Incident Task Group dahil ilan sa mga opisyal ay gumamit ng bagong structure ng crisis management na hindi pa naman operational at hind pa naipapamahagi sa PNP.
Nagpahayag din ng paniniwala si Yebra na dapat ay iniakyat sa national level ang hostage crisis noong masangkot na dito ang Office of the Ombdusman subalit hindi umano ito inirekomenda kay Gen. Rodolfo Magtibay.
Inamin pa ni Yebra na may mga pagkakataong maari niyang dis-armahan si Mendoza subalit hindi niya ito ginawa dahil hind pa umano kinakailangan.
Wika pa ni Yebra, hindi siya papayag na magsagawa ng assault sa bus kung siya ay kinonsulta hinggil dito.
Magugunita na 8 Hong Kong tourists ang nasawi sa madugong hostage crisis na tumagal ng mahigit 10 oras kung saan ay napatay din si Sr. Insp. Mendoza.