MANILA, Philippines - Umalma ang militanteng grupong Pagkakaisa ng Samahan ng Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) sa Department of Transportation and Communications (DoTC) na paigtingin na lamang ang pagpapatupad ng medical at drug test sa mga aplikante ng drivers license sa Land Transportation Office (LTO) sa halip na sumailalm pa sa neuro psychological test ang mga tsuper sa bansa para lamang mabawasan ang mga malalagim na aksidente sa mga lansangan.
Ayon kay PISTON secretary general Goerge San Mateo, sapat na umano ang umiiral na polisiya ng ahensiya ng LTO sa pagkuha ng drivers license at hindi na umano kailangan pa ng neuro test na panukala ng ibang transport leaders upang makasiguro na pawang mga qualified drivers lamang ang nabibigyan ng karapatan upang makapagmaneho.
“Ang problema kasi ang umiiral na polisiya, alam naman natin na minsan nagkakalagayan sa mga medical at drug testing centers para lamang makapasa sila sa drug at medical test,” ayon kay San Mateo.
Nitong nakaraang linggo ay nagkaroon ng dialogue ang mga transport leaders na pinangunahan ng Philipine Drug Enforcement Agency (PDEA), dito ay napagkasunduan at sinang-ayunan ng mga transport leaders ang voluntary drug test sa kanila at sa kanilang mga miyembro.
Sinabi pa ni San Mateo na bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng polisiya sa pagkuha ng drivers license ay dapat ding paigtingin ang kampanya laban sa mga fixers at sa mga fly by night na drug testing centers.