Full alert ikinasa sa Mindanao
MANILA, Philippines - Isinailalim kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa sa full alert ang buong lalawigan ng Mindanao kasunod ng pagkakapatay ng tropa ng pamahalaan sa tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group sa isang engkuwentro nitong Sabado sa bayan ng Maimbung, Sulu.
Inalerto na rin ni Verzosa ang buong kapulisan bilang paghahanda sa posibleng pagganti ng mga kasamahan ng tatlo sa ASG.
“It’s possible that they would retaliate. This is a precautionary measure,” ani Verzosa.
Kinilala ang nasawi na si Gafur Jumdail, itinuturing na “high-value target” at dalawa pang kasama nito na hindi pa nakilala.
Narekober ng awtoridad sa nasabing lugar ang isang M16 rifle, isang M14 rifle, isang baby armalite, mga bala at subersibong dokumento.
Ayon kay PNP spokesman Senior Supt. Agrimero Cruz, Jr., nagsasagawa ng intelligence operations ang mga elemento ng Special Action Force (SAF) at Directorate for Integrated Police Operations laban kay Jumdail ng sumiklab ang bakbakan.
Si Jumdail ay kabilang umano sa mga Sayyaf leaders na sangkot sa pagdukot sa grupo ni ABS-CBN broadcaster Ces Drilon noong 2008.
Nagsasagawa na ng round-the-clock patrol ang pulisya at karagdagang checkpoints na rin ang itinayo sa mga kritikal na lugar.
Samantala, tiniyak naman ni Verzosa kay Sulu Gov. Abdusakur Tan na mananagot ang mga nasa likod ng tangkang pagpatay sa kanya sa Zamboanga Airport noong Agosto 5. Namatay sa insidente ang sinasabing bomber na si Reynaldo Apilado at isa pang kasama nito na si Hatimil Haron. Kabilang naman sa nasugatan si Tan.
Tatlong dating Sulu officials ang hinihinala ng Zamboanga police bilang mga utak sa naturang pagpapasabog.
Kamakalawa, inihayag ni Zamboanga regional police head Chief Supt. Edwin Corvera na ilang saksi ang nagturo kina dating Sulu Rep. Munir Arbison, ex-Maimbung mayor Najib Maldiza, at dating Pangutaran mayor Ahmad Nanoh na may kinalaman umano sa bombing.
- Latest
- Trending