MANILA, Philippines - Ilang araw bago ang maagang pagreretiro ni outgoing Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa ay lalo pang naging matunog na ang 3rd man ng organisasyon ang hahalili rito sa puwesto.
Si Deputy Director General Raul Bacalzo, Deputy Chief for Operations ng Philippine Military Academy (PMA) Class ‘ 77 ang sinasabing napipisil ni Pangulong Aquino na pumalit kay Verzosa.
Si Bacalzo at ang isa pang mistah nito na si Deputy Chief for Administration P/Deputy Director Gen. Perfecto Palad ang pinagpilian para maging successor ni Verzosa.
Una nang sinabi ni Verzosa na nagsumite na siya ng mga contenders sa Palasyo para pagpilian ni P-Noy na pumalit bilang PNP Chief.
Ayon naman kay Verzosa, maraming mga opisyal ang kuwalipikadong humalili sa kaniya sa puwesto at prerogatibo na ng punong ehekutibo kung sino ang papalarin. Aniya, in good hands ang PNP kahit na sinuman ang iluklok ni P-Noy.
Si Verzosa, produkto ng PMA Class ‘ 76 ay nagdesisyong bumaba ng maaga sa puwesto sa darating na Setyembre 15 o ilang buwan bago ang kaniyang ika-56 kaarawan sa Disyembre 25 na siyang mandatory age retirement sa PNP.