Laguna de Bay rehab pinaboran ng DOJ
MANILA, Philippines - Hindi maaaring ituring ang Laguna de Bay Rehabilitation Project bilang isang midnight deal dahil sa sakop ito ng Overseas Development Assistance (ODA) mula sa pamahalaan ng Belgium.
Dahil dito, ang proyekto ay hindi sakop ng Government Procurement Act, batay sa Opinion No. 38, Series 2010 na nilagdaan ni Justice Secretary Leila M. de Lima noong Agosto 18.
Inisyu ni De Lima ang 14-pahinang opinion base sa hiling ni Environment Secretary Ramon Paje sa DOJ upang madetermina kung ang supply contract sa pagitan ng DENR at ng kumpanyang Belgian na Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC) ay valid at nararapat na pagkalooban ng Notice to Proceed (NTP).
Ang opinion, na nakuha dalawang linggo matapos itong lagdaan, ay nagpatibay sa DoJ Opinions No. 26 na inisyu noong Hunyo 13 at No. 30 na may petsang Hunyo 23, na kapwa inisyu ni Acting Secretary Alberto Agra.
Bukod dito, ang mga nasabing opinion ay nagsasaad na “direct award of the Contract to Baggerwerken Deloedt En Zoon N.V, is supported by law as the procurement of infrastructure projects funded by ODA is excluded from public bidding.”
- Latest
- Trending