5 bibitaying Pinoy sa China tutulungan ng DFA

MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na bagama’t gu­magawa ng hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang maibaba ang hatol na kamatay sa 5 Pinoy na nasa death row sa China ay dapat ipakita din ng Pilipinas na nirerespeto nito ang batas ng ibang bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma, kailangang kilalanin ng Pilipinas ang umiiral na proeso ng batas sa ibang bansa upang galangin din nila ang judicial processes.

Ayon kay Sec. Coloma, gumagawa na ng mga hakbang ang DFA kaugnay sa kaso ng 5 Pinoy na naka­takdang bitayin sa China dahil sa drug cases.

Wika pa ni Coloma, maging ang batas ng bansa kaugnay sa drug trafficking ay mahigpit na ipinatutupad kaya nararapat na galangin din natin ang batas ng ibang bansa tungkol sa drug cases.

Ikinababahala ng ilang sector na posibleng hindi pagbigyan ng China ang apela ng Pilipinas para sa 5 Pinoy na nakatakdang bitayin dahil na rin sa nangyaring hostage crisis noong Agosto 23 kung saan 8 Hong Kong tourists ang nasawi.

Samantala, kinumpirma naman ni DFA Under­secretary Esteban Conejos na gumagawa ng hakbang ang gobyerno upang iapela ang kaso ng mga Pinoy para maibaba ang parusa ng mga ito.

Show comments