Nag-parachute sa payong dedo!

MANILA, Philippines - Isang Pinay ang iniulat na nasawi matapos na umano’y tumalon mula sa bintana ng ikapitong pa­lapag ng isang gusali, gamit ang isang payong bilang parachute, sa pag­tatangkang tumakas mula sa kaniyang employer sa Saudi Arabia, noong na­karaang linggo.

Kaagad namang hini­ling ng grupong Migrante-Middle East sa Department of Foreign Affairs (DFA) na beripikahin ang ulat upang matulungan ang kaawa-awang Overseas Filipino Worker (OFW).

Ayon kay John Leo­nard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East Chapter, isang concerned OFW ang tumawag sa kaniya noong isang linggo upang ipa­alam ang mapait na sinapit ng Pinay.

Gayunman, bigo uma­no ang naturang OFW na nagbigay ng impor­masyon upang kilalanin ang biktima at kumpir­mahin ang nas­yunalidad nito, kaya’t ang Migrante na ang lumapit sa DFA upang humingi ng tulong.

“Concerned fellow OFWs called me up last week and informed us about the death of a domestic worker who re­portedly jumped from the window of her employer’s flat on a higher floor of a building,” ayon kay Monterona.

Batay sa ulat ng online news provider na The Saudi Gazette nitong Miyerkules, isang katulong ang tumalon mula sa bintana ng unit ng kani­yang employer na nasa ika­pitong palapag ng isang gusali, sa pagtatangkang tumakas mula sa amo.

Gumamit umano ang biktima ng payong bilang parachute ngunit hindi siya nakayanan nito at agad ding nasawi pagbagsak sa semento.

Maliban naman sa pagtukoy sa pagkaka­ki­lanlan ng biktima, hiniling rin ni Monterona sa DFA na sakaling matukoy na Pinay nga ito ay agad na im­bestigahan ang mga sir­kumstansiya na bumabalot sa kaniyang tangkang pagtakas, at pagkalooban ito ng mga kaukulang tulong.

Show comments