Paglipat sa kaso ng solon inangalan
MANILA, Philippines - Kinondena ng mga naghain ng demanda kay Zambales Rep. Mitos Magsaysay ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) na ilipat ang preliminary investigation ng kasong isinampa nila laban sa kongresista nang walang sapat na dahilan.
Ito ay dahil mula sa Olongapo Prosecutor’s Office ay inilipat ito sa DOJ central office sa Padre Faura st. Maynila. Ang kautusan ay nilagdaan ni dating DOJ Acting Secretary Alberto Agra bago ito tuluyang bumaba sa puwesto at nangangamba sila na maimpluwensiyahan ni Magsaysay ang desisyon ng DOJ.
Sina Oscar Saure at Rolly Yusi ng Olongapo Traffic Management and Public Safety (OTMPS) ay nagsampa ng reklamong direct assault, slander at conduct unbecoming of a public official laban kay Magsaysay matapos ito diumanong magwala ng dahil lamang sa “no entry” sign nuong kasagsagan ng kampanya para sa 2010 elections.
Sinabi ni Saure, nakapuwesto silang dalawa ni Yusi sa Acacia St., Barangay Gordon Heights upang isaayos ang re-routing ng trapiko dahil may political meeting na ginaganap sa bahaging iyon ng daan.
“Biglang bumaba si Congresswoman Magsaysay, pinitsarahan ako at hinila-hila ang aking vest. Binusisi ang aking damit, tiningnan ang mga logo hanggang tuluyan ng napunit ang aking vest sabay sabing ‘pulis ka ba?’” ang kuwento ni Saure.
“Wala kayong karapatang isarado ang daan!” ang hiyaw ng mambabatas sa kanila ni Yusi sabay pinagsisipa at binuhat ang traffic sign paalis sa kalsada.
Sinabi naman ni Yusi na pinagbalingan din siya ng nanggagalaiting mambabatas, dinuro-duro diumano siya nito at pinagmumura.
May mga nakakakita sa insidente na handa umanong tumestigo at nagsumite na ng salaysay sa City Prosecutor’s Office.
- Latest
- Trending