MANILA, Philippines - Inilabas na ng Department of Justice-Incident Investigation Review Committee (DOJ-IIRC) ang listahan ng mga opisyal ng gob yerno at ilang personalidad na iimbestigahan bukas kaugnay sa naganap na madugong hostage-taking noong Agosto 23.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, kabilang sa isasalang sina DILG Undersecretary Rico Puno, PNP Chief Jesus Versoza, NCRPO Chief Leocadio Santiago, dating Manila Police District chief Rodolfo Magtibay, Manila Mayor Alfredo Lim at Vice Mayor Isko Moreno.
Gayundin ang bus driver ng Hong Thai bus, ilang media personalities at ang babaeng sinasabing naghatid kay Sr. Insp. Rolando Mendoza sa Intramuros ilang oras bago maganap ang hostage-taking, mga negotiators kabilang dito si Supt. Orlando Yebra at iba pang police officers.
Giit din ng Kalihim, aapela siya sa mga nabanggit na dumating sa araw ng imbestigasyon at makipag-cooperate para lamang sa clarificatory questioning upang magbigay linaw kung ano ang tunay na pangyayari at kung bakit nauwi sa madugo ang hostage-taking.
Nakipagpulong na rin kahapon si de Lima sa Committee secretariat kabilang din ang Napolcom secretariat upang hindi magkaroon ng “duplication of questions” at ang pagtatanong ng mga hindi na dapat itanong dahil ang gagawin lamang nila ay clarificatory questioning ng hindi na rin masayang ang kanilang oras at panahon.
Umapela na rin si de Lima sa mga local officials na iwasan muna ang pagsasalita sa publiko kaugnay sa nasabing kaso subalit nilinaw niya na hindi ito gag order.