Moral ng PNP bumagsak sa hostage crisis - Verzosa
MANILA, Philippines - Inamin ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na bumagsak ang moral ng Philippine National Police bunga ng pumalpak na rescue operation sa madugong 11 oras na hostage crisis sa Quirino grandstand noong Agosto 23.
“The PNP shares the grief, my concern as Chief PNP is to see the morale of the troops and to talk to them to make sure that they are not affected by this incident, to make sure that our normal police functions are not affected,” pahayag ni Verzosa sa panayam ng PNP Press Corps.
Sinabi ni Verzosa na apektado siya at ang buong kapulisan sa pag-ulan ng kaliwa’t kanang pagbatikos sa PNP na idinulot ng sumablay na rescue ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Manila Police District.
Hindi itinago ng Chief PNP ang kaniyang kalungkutan sa kinalabasan ng mga pangyayari lalo na sa idinulot nitong negatibong pagtingin at epekto nito sa international community at mga ahensya ng pamahalaan.
Inulan din ng matinding kritisismo si Verzosa dahil wala ito sa Quirino grandstand ng mangyari ang hostage crisis at nasa biyahe sa Cagayan de Oro City kung saan nagbibigay ito ng ‘guidance’ sa mga elemento ng pulisya bilang bahagi ng kaniyang pamamaalam sa kapulisan kaugnay ng maaga nitong pagreretiro sa serbisyo.
Iginiit naman ni Verzosa na sa kabila nito ay minomonitor niya ang hostage crisis at nagbibigay siya ng direktiba sa MPD para sa ilalapat na aksyon sa nasabing insidente.
Sa kabila nito, sinabi ni Verzosa na panahon na upang ‘mag-move on’ sa pagsablay ng operasyon sa nasabing hostage crisis at mula dito’y pag-ibayuhin ang pagtugon sa mga ‘emergency’ tulad ng hostage, anti-criminal at anti-terrorism operations.
Samantalang dapat ring tumanggap ng kaparusahan ang lahat ng mga pulis na mapapatunayang pumalya sa assault operation.
Idinagdag pa ni Verzosa na sa gitna ng kontrobersya ay makakabangon rin ang imahe ng PNP.
- Latest
- Trending