Imahe ng Pinas makakabawi - solon
MANILA, Philippines - Naniniwala si Quezon Rep. Danilo Suarez na ang naganap na madugong hostage drama sa Quirino grandstand ay isang seryosong dagok sa reputasyon ng bansa dahil lumilitaw aniya na bigo ang pamahalaan na magsagawa ng tamang aksiyon sa insidente, na naging sanhi nang muling pagkasira ng imahe ng Pilipinas sa buong mundo.
Ayon kay Suarez, kaliwa’t kanang batikos ang inaabot ngayon ng administrasyong Aquino at pinaniniwalaan din na ang naturang hostage-taking ang posibleng dahilan kung bakit dalawa sa tatlong Chinese recipient ng Ramon Magsaysay (RM) Awards para sa taong 2010, na sina Fu Qiping at Pan Yuen ang hindi na darating sa bansa para tanggapin ang kanilang award.
Kinansela din ang opisyal na pagbisita sa Pilipinas ni Chinese Vice Premier Li Keqiang sa Sept. 5–7 na siya sanang kauna-unahang opisyal ng ibang bansa na bibisita sa Pilipinas sa loob ng dalawang buwang panunungkulan ni P-Noy.
Umaasa si Suarez na huhupa rin ang galit ng mga Chinese nationals at muling maisalba ang imahe ng bansa sa international community, kasunod nang maituturing na “worst hostage-taking crisis” sa kasaysayan ng bansa.
- Latest
- Trending