Unang state visit ni P-Noy kinansela
MANILA, Philippines - Kinansela kahapon ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang kauna-unahang state visit sa bansang Indonesia at Vietnam.
Ayon sa Pangulo, hindi raw ma-accommodate ng Indonesia ang schedule ng kanyang state visit na nakatakda sana sa September 14-15.
Bunsod nito, nagdesisyon na rin siyang kanselahin ang biyahe niya sa Vietnam sa September 13-14.
Sinabi ni P-Noy na makikita naman niya ang mga lider ng Indonesia at Vietnam sa pagdalo niya sa ASEAN Summit na gaganapin sa Oktubre sa Vietnam.
Ipinabatid ni Aquino ang kanselasyon ng kanyang state visits matapos itong dumalo sa Metrobank Foundation awarding ceremonies ng outstanding teachers at policemen na ginanap kahapon sa Heroes hall ng Malacanang.
Nakatakda namang dumalo ang Pangulo sa United Nations General Assembly sa New York sa susunod na buwan.
- Latest
- Trending