MANILA, Philippines - Inirekomenda ng Senado ang pagsasampa ng kaso laban sa mga executives ng Social Security System (SSS) na hindi magbabalik ng kanilang kinita bilang kinatawan ng ahensiya sa mga investments nito sa pribadong kumpanya.
Sinabi ni Sen. Franklin Drilon na posibleng irekomenda ng Finance Committee ng Senado sa ilalabas nilang report ang pagsasampa ng kasong graft at malversation of public funds laban sa mga opisyal ng SSS tulad ni dating President Romulo Neri, Chairman Thelmo Cunanan at iba pa.
“Sigurado pong may mananagot sa mga opisyal ng SSS dahil sa pinagsasaan nila ang pera ng taumbayan,” ani Drilon, chairman ng komite.
Nais din ni Drilon na pag-aralan ng Office of the Ombudsman kung puwede ring kasuhan ng kasong kriminal ang mga opisyal ng iba pang mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at Government Financial Institutions (GFIs) na tumatanggap ng maluluhong suwedo, bonuses at allowances.
Matatandaan na sinimulan na ng Finance Committee ang imbestigasyon laban sa mga opisyal ng mga GOCCs na tumatanggap ng malalaking suweldo kabilang ang Clark Development Corporation (CDC), Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Government Service and Insurance System (GSIS), Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA),, at iba pang GOCCs at GFIs.
Ipagpapatuloy bukas ng Senado ang imbestigasyon sa magarbong sahod at benepisyo ng mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Maging ang mga opisyal ng Land Bank of the Philippines (LBP), mga energy at power corporations ng gobyerno ay pinadadalo sa hearing.