MANILA, Philippines - Tinututulan ng bagong “think tank” group ang pagbuwag sa National Food Authority at sa halip, naghayag sila ng mga ideya para gawin ang ahensya na economically viable habang ginagampanan nito ang pangunahing tungkulin na makamit ang seguridad sa pagkain at matatag na suplay at mababang presyo ng bigas para sa kapakanan ng mahihirap na mamimili.
Ayon sa Forensic Law and Policy Strategies Inc. (Forensic Solutions) na pinamumunuan ni dating Justice Secretary Alberto Agra, ang NFA ay maaaring gumamit ng iba’t ibang hakbang upang mapalitan nito ang imahe ng kumpanyang nalulugi bilang kumikitang ahensya gaya ng pagpapatakbo ng grains exchange market at mamuhunan sa financial instruments.
Sinabi pa ng Forensic Solutions na ang NFA ay kayang suportahan ang mga pangunahing programa ni Pangulong Benigno Aquino sa pakikipagtulungan sa mga pribadong grupo para sa farm production o maging sa paghawak sa pag-import ng bigas.
Sinabi ni Agra na hindi solusyon sa napipintong krisis sa pagkain ang pagbuwag sa NFA.
“Ang pag-abolish sa NFA ay isang non-responsive solution to the impending food crisis. Hindi ito makakatulong sa kakulangan sa bigas, at lalong magiging pahirap sa mga ordinaryong Pilipino na umaasa lamang sa binebentang murang bigas ng ahensya,” ani Agra.