Benepisyo ng barangay officials inaprub
MANILA, Philippines - Tuluyan nang maipatutupad ang pagbibigay ng benepisyo sa mga barangay officials na makakatapos ng kanilang magkakasunod na tatlong termino ng paglilingkod matapos na aprubahan sa Sangguniang Panglungsod ang ordinansang inihain ni Valenzuela City Liga ng mga Barangay President, Councilor Alvin Feliciano na kauna-unahan sa buong Pilipinas.
Ang naturang ordinansa na may numerong 001 series of 2010 at pinamagatang Standardized Barangay Officials Welfare Benefits ay naglalayong mabigyan ng benepisyo ang mga opisyal ng barangay na makakatapos ng magkaksunod na tatlong termino ng paglilingkod.
Nakasaad pa dito na makakatanggap ng halagang P100,000 ang mga kapitan ng barangay habang makakakuha naman ng P30,000 ang mga kagawad na makakatapos ng magkakasunod na tatlong termino.
Samantala, ang mga barangay officials naman na makakapagsilbi ng tatlong magkakasunod na termino sa hindi parehas na posisyon ay susumahin kung magkano ang kanilang makukuhang benepisyo.
Bukod dito, makakatanggap din ng P5,000 ang mga barangay officials na maoospital habang P50,000 ang matatanggap ng pamilya ng mga yayaong kapitan ng barangay at P25,000 naman sa mga mauulila na mga kagawad.
Ayon kay Feliciano, layunin ng ordinansang ito ang pagbibigay ng pagkilala sa mga barangay officials dahil na rin sa bigat na nakaatang na tungkulin sa balikat ng mga ito sa kanilang nasasakupang lugar.
- Latest
- Trending