MANILA, Philippines - Inulan ng sunud-sunod na hate mails ang website ng Philippine National Police (PNP) kaugnay pa rin ng palpak nilang paghawak sa madugong hostage crisis noong Lunes na ikinasawi ng 8 Hong Kong tourists.
Tinangka rin umanong i-hack ang website ng PNP na www.pnp.gov.ph ng mga taong hinihinalang nais lang kutyain ang kapulisan. Hindi naman na-hack ang website pero bumigay ito sa dami ng gustong pasukin ito.
Nabatid na karamihan sa naturang mga hate mails ay mula sa Hong Kong na tinawag na basura ang PNP at ang Pilipinas ay bansa ng mga alipin dahil maraming mga Pinay ang nagtatrabaho bilang domestic helpers sa ibayong dagat.
Ayon naman sa mga opisyal ng PNP, naiintindihan nila ang matinding galit ng pamahalaan at ng mamamayan ng Hong Kong sa pagkamatay ng kanilang mga kababayan na kabilang sa 25 turista na hinostage ni dating Sr. Inspector Rolando Mendoza na napatay din sa insidente.
Sa kabila nito, tiwala ang PNP na lilipas rin ang hate campaign laban sa kanilang hanay kasabay ng pangako na walang magaganap na cover-up sa imbestigasyon sa hostage drama na lalahukan ng mga dayuhang forensic investigators partikular na ang Hong Kong Police.
Humingi naman ng pasensya si PNP Chief Director General Jesus Verzosa sa Hong Kong na bigyan ng sapat na panahon ang kapulisan sa isinasagawang crash site investigation sa hostage crisis.
Patuloy pa rin ang pag-iimbestiga ng PNP sa direksyon ng mga bala sa loob ng hinostage na Hong Thai Travel bus, mga galaw ni Mendoza at ano ang nagpainit ng ulo nito na humantong sa madugong pamamaril ng mga hostages.
Aalamin rin ng PNP ang naging pahayag ng sinibak na si Manila Police District Chief Supt. Rodolfo Magtibay na si Manila Mayor Lim ang nag-utos para arestuhin si SPO2 Gregorio Mendoza, kapatid ng hostage-taker, na sinasabing lalong nagpa-init sa huli at mamaril na ng mga bihag.