Watawat sa kabaong ni Mendoza binira
MANILA, Philippines - Ikinagalit ng China government ang paglalagay ng watawat ng Pilipinas sa ibabaw ng kabaong ng nasawing hostage-taker na si dating Police Sr. Insp. Ronaldo Mendoza habang nakaburol sa tahanan nito sa Tanauan, Batangas.
Ayon sa Chinese Embassy, hindi kabayanihan ang ginawang pagpatay ni Mendoza sa mga inosenteng tao na kanyang hinostage sa isang bus sa Quirino grandstand sa Maynila noong Lunes.
Noong Miyerkules pa ay nakaladlad na ang watawat sa kabaong ni Mendoza mula ng siya ay iburol sa kagustuhan umano ng pamilya nito bilang isang pulis.
Gayunman, sa batas ng Pilipinas ang mga kinikilala na nilalatagan lamang ng watawat ng Pilipinas ay ang mga sundalo o pulis na nagbuwis ng kanilang buhay para sa bayan o nagbigay ng magandang karangalan sa bansa.
Nilinaw naman kahapon ng Malacañang na hindi iniutos ng gobyerno ang paglalagay ng watawat ng Pilipinas sa kabaong ni Mendoza.
Sinabi ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Secretary Ricky Carandang, nadismaya ang Palasyo sa ginawang hakbang ng pamilya ni Mendoza.
“We understand the concern of the Chinese government but we are in no way sanctioning that,” sabi ni Carandang.
Kahapon ay inalis na ang watawat sa ataul ni Mendoza. (Ellen Fernando / Rudy Andal)
- Latest
- Trending