MANILA, Philippines - Lumiham kahapon si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Chinese government at Hong Kong upang ipaabot ang pakikiramay sa 8 HK nationals na nasawi sa hostage-taking noong Lunes.
Sinabi ni Rep. GMA sa kanyang liham kay Hong Kong chief executive Donald Tsang at Chinese Prime Minister Wen Jiabao na mabibigyang hustisya ang sinapit ng mga biktima sa hostage taking noong Lunes.
Ginawa ni Arroyo ang hakbang upang pahupain ang tension sa pagitan ng Chinese at RP government kaugnay ng naganap na madugong hostage-taking noong Lunes.
Nanawagan din si GMA na parusahan ang mga matutukoy na responsable sa naging kapalpakan ng negosasyon na nauwi sa pagkasawi ng 8 bihag na HK nationals na binihag ni Sr. Insp. Rolando Mendoza. Napatay din si Mendoza matapos ang mahigit 10-oras na hostage drama. Nangako si Mrs. Arroyo kay Wen na kanyang tututukan ang imbestigasyon para makamit ang hustisya ng mga biktima.