Suspensyon sa sangkot sa ballot secrecy folder kinatigan ng CA
MANILA, Philippines - Wala ng legal na hadlang upang ituloy ang suspension laban sa mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na sangkot sa kontrobersyal na overpriced Ballot Secrecy Folder scam.
Ito ay matapos na ibasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ng Comelec na humihiling na magpalabas ang korte ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa implementasyon ng suspension order laban sa kanila.
Sa 2-pahinang resolution ng CA Special 15th Division sinabi ng korte na walang malinaw na ebidensya na naipakita ang mga petitioner para patunayang karapat dapat silang mabigyan ng TRO.
Magugunita na una ng nagpalabas ng 6 month suspension ang Ombudsman laban kina Comelec Bids and Awards Committee chairman Atty. Maria Lea Alarkon; at mga miyembro ng BAC na sina Atty. Allen Francis Abaya, Atty. Maria Norina Casingal, Atty. Martin Niedo, at. Antonio Santella.
Kasabay nito ay inatasan ng CA ang Office of the Ombudsman na magpaliwanag sa loob ng sampung araw kung bakit hindi dapat na pagbigyan ng appellate court ang kahilingan ng mga Comelec official na baliktarin ang findings ng Ombudsman sa kaso ng mga ito.
Magugunita na muntik ng pasukin ng Comelec ang kontrata sa pagitan nito at ng OTC paper supply para magsuplay sana ng mga ballot secrecy folder na gagamitin sana noong May 10 election subalit nabuking na overpriced pala ito ng daan-daang milyon.
- Latest
- Trending