MANILA, Philippines - Naitala ng Bureau of Customs (BOC) ang pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng ahensiya sa pagkakumpiska ng 32 drums ng controlled substance toluene na maaaring gamitin upang makagawa ng dalawang tonelada o P1.5 billion halaga ng metamphetamine hydrochloride o shabu.
Sinabi ni Customs Commissioner Angelito “Lito” A. Alvarez na dumating ang toluene shipment noong August 10 galing Shekou, China at idineklara consignee na Trispher Trading bilang ladies’ handbags.
“Customs operatives are now looking for the owners of Trispher Trading who have not come forward to claim ownership of the confiscated chemicals,” wika ni Alvarez.
Ang toluene ay nakalista sa Dangerous Drugs Board Regulation No. 3, series of 2003, bilang controlled chemical. Nakaklasipika ito bilang narcotic at psychotropic substance sa ilalim ng United Nations Convention Against Illicit Traffic in Narcotic Drugs and Psychotropic Substances.
Pinuri naman ni Alvarez ang X-Ray Inspection Project (XIP) personnel sa kanilang pagiging mapagbantay na nagresulta sa pagkatuklas ng banned substance at sa epektibong paggamit ng container x-ray machines ng Customs.
Nakipag-ugnayan si Director Jose Yuchongco ng BOC’s Enforcement and Security Service sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa tamang sampling at laboratory testing ng controlled substance.
Sa pagsusuri, sinertipikahan ng PDEA na ang 32 drums ay positibo sa toluene, isang essential chemical sa ilalim ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Dangerous Drugs Act of 2002.
Inutusan din ni Yuchongco na itago ang nakumpiskang drums sa isang unmarked warehouse sa loob ng Manila International Container Port.