Mga usisero ikukulong
MANILA, Philippines - Nais ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. na ikulong ang mga usisero at usisera na sumusugod kapag may nagaganap na krimen katulad nang nangyari sa hostage crisis kamakalawa sa Quirino Grandstand.
Sa panukalang batas na inihain ni Revilla, layon nitong amiyendahan ang Presidential Decree No. 1829 at patawan ng pagkabilanggo na hindi bababa sa anim na buwan at multang hanggang P3,000 ang mga usiserong lumalampas sa police cordon at nakakasira ng ebidensiya.
Ikinadismaya ni Revilla ang nangyari sa hostage crisis kung saan biglang nagsulputan ang napakaraming usisero at naglapitan sa bus matapos mapatay ang hostage taker na si dating Police Sr. Insp. Rolando Mendoza.
Mahalaga anyang maipreserba ang ebidensiya sa isang krimen na kalimitan ay nasisira dahil sa pagdagsa ng mga usisero. Dahil sa pang-uusyuso, isang sibilyan ang nadamay at tinamaan ng bala habang nagaganap ang hostage crisis.
- Latest
- Trending