MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Philippine National Police (PNP) na pumalpak ito sa paghawak sa madugong hostage crisis na ikinasawi ng 8 Hong Kong nationals at ng hostage-taker na si dating Sr. Inspector Rolando Mendoza sa Quirino grandstand, Manila nitong Lunes.
Sa press briefing, sinabi ni PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., na naging mahina ang mga negosyador kaya pumalpak ang negosasyon sa hostage-taker.
“There were side issues and events that further agitated the hostage-taker,” ani Cruz na pinuna rin ang mga dumagsang mga usisero sa lugar na hindi dapat nakalapit sa bisinidad na ikinordon habang nagaganap ang hostage crisis bunsod upang masugatan ang isang bystander sa putukan.
Bukod dito, tanging ang mga Special Weapons and Tactics (SWAT) team ang nagresponde sa lugar gayong ang mga may kapabilidad sa night vision goggles ay ang mga Special Action Force (SAF) team na dapat sanang tumulong sa pagresolba sa hostage taking.
Kulang din anya sa kaalaman at kasanayan sa paghawak sa ‘hostage crisis’ ang lider ng assault team.
Ang dapat na naging prayoridad umano ng mga ground commanders ay ang kaligtasan ng mga binihag.
Isang masusing imbestigasyon na ngayon ang isinasagawa upang mabatid ang mga pagkakamali ng kanilang puwersa, negosyador at ng “ground commander” na si Manila Police District (MPD) Director, Chief Supt. Rodolfo Magtibay.
Sinabi ni PNP Chief Director Gen. Jesus Verzosa na mahalagang masilip kung may mga ‘operational lapses’ ang mga awtoridad na nangasiwa sa hostage crisis habang hihintayin rin nila ang resulta ng imbestigasyon ng ibang ahensya ng pamahalaan bago maglabas ng anumang konklusyon.
Hindi rin naman nito kinumpirma kung may mga ulong gugulong o pulis na masisibak sa puwesto na dedesisyunan lamang matapos ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Ngunit idiniin ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Leocadio Santiago na ang naging ugat ng pagwawala at pamamaril ni Mendoza sa mga hostage na dayuhan ay ang ginawang eksena ng kapatid nitong si SPO2 Greg Mendoza.
Sinabi nito na sa halip na papalubagin ang kalooban ng kapatid ay inudyukan pa nito ang hostage taker na huwag susuko kung hindi ibabalik ang kaniyang armas.
Uminit rin daw ang ulo ni Mendoza nang hindi tanggapin ang sulat buhat kay Ombudsman Merceditas Guttierez na ire-review ang kanyang kaso at ang nais ay ang agaran niyang reinstatement o pagbabalik sa serbisyo.
Isa rin umano sa naging dahilan ng pagwawala ni Mendoza ay nang masaksihan ang pag-aresto sa kanyang kapatid na napanood nito sa telebisyon ng tourist bus. Ngunit hindi naman sinisi ni Santiago ang media sa pagkuha ng “blow by blow footages” na napapanood ng hostage-taker.
Inamin rin nito na sobrang kulang talaga ang gamit ng kanilang mga tauhan na kitang-kita sa hirap na dinanas ng mga pulis sa pagbukas sa pinto ng bus, kawalan ng safety gears, at iba pa.
Bukod sa PNP ay nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang NBI.
Samantala, isinailalim na sa autopsy examination ang walong nasawing biktima kasama ang labi ng hostage-taker na si Mendoza sa PNP-Crime Laboratory sa Camp Crame.
Sinimulan na ring isailalim sa ballistic examinations ang lahat ng mga baril na ginamit ng assault team ng SWAT upang malaman kung walang mga bala na nagmula sa assault team na nakapatay sa mga biktima.
Kasabay nito, iniutos na rin ni Pangulong Aquino ang masusing imbestigasyon sa naganap na hostage drama.
Maging ang Pangulo ay naniniwala na nagkaroon ng lapses kaya nais nitio na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa insidente. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)