MANILA, Philippines - Nanawagan ang Department of Education sa mga magulang ng mga batang mag-aaral na ayusin ang superbisyon sa kanilang mga anak na dapat ay nag-aaral at dumadalo sa kanilang mga klase at hindi ang pagra-rally ang inaatupag.
Pahayag ito ng DepEd matapos masugatan ang limang militanteng high school students na nagpumilit pumasok sa main building ng ahensiya at nakipagbuno sa mga security guard sa isang rally noong Biyernes.
Sa kabila nito, inamin ni DepEd Undersecretary Alberto Muyot na may karapatan rin naman ang mga bata na maihayag ang kanilang mga saloobin sa pamahalaan na ginagarantiyahan ng kanilang karapatang pantao.
Sinabi ni Muyot, na wala silang intensyon na pagbawalan ang sinumang nais pumasok at pumunta sa ahensya maging estudyante, magulang o empleyado nila na may reklamo sa kagawaran.
Samantala nasa proseso pa umano sila ng pagre-review ng video footage sa naturang dispersal at nasa pagtatanong pa ang mga guwardiya kung anong uri ng “protocol” ang kanilang sinunod.
Masyado pa umanong maaga na sabihin na nagkaroon ng paglabag sa “childrens rights” ang mga guwardiya nang ipagtabuyan ang mga batang raliyista at sinasabing pinagpupukpok pa ng batuta ang ilan na isinugod sa pagamutan.
Sinabi ni Muyot na aalamin umano ng kanilang legal officers ang mga tunay na hinaing ng mga batang raliyista at haharapin ang mga ito sa nais na dayalogo upang mapag-usapan ang kanilang problema.
Kabilang sa mga inirereklamo ng mga high school students ang hindi umano pagpapatupad ng “refund” ng kanilang mga paaralan sa naibayad nilang “school fees” na ipinagbabawal ng DepEd at ang pagkontra sa dagdag na 2 taon sa kuri kulum ng basic education.