MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ng Malacanang na binibigyan ng prayoridad ng gobyerno ang mas mahigpit na road-safety program matapos maganap ang sunod-sunod na aksidente sa Baguio at Bicol kung saan nasawi ang isang beauty queen.
Sinabi ni Communications Group Sec. Sonny Coloma, inatasan ng Pa lasyo ang Department of Transportation and Communications (DOTC) na repasuhin ang mga pangkisa na ibinigay sa mga bus operators gayundin ang mahigpit na sistemang ipapatupad sa pagkakaloob ng mga driver’s license.
Nasawi noong Sabado ang 24-anyos na si 2009 Bb. Pilipinas-International Melody Gersbach kasama ang 2 iba pa matapos salpukin ng bus ang kanilang sasakyan habang patungo sa Naga City.
Noong Miyerkoles naman ay 42 katao ang nasawi matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang bus sa Benguet mula sa La Union.
“Kapag binigyan ng prangkisa, dapat sinusuri din ang qualifications ng drivers at tiyakin na sila ay talagang handa na maging professional drivers. Dapat ay mataas ang antas ng kanilang kaalaman sa pagmamaneho,” paliwanag pa ni Sec. Coloma.
Ipinasuspinde na ng LTFRB ang prangkisa ng Guevara bus na nakabangga sa sasakyan ni Gersbach.