MANILA, Philippines - Iginiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na obligahing magpa-drug test ang mga driver ng mga pampasaherong sasakyan bunsod na rin ng lumalalang aksidente sa kalsada na ikinasawi na ng maraming buhay.
Umapela si PDEA Director General/Senior Undersecretary Dioniso R. Santiago sa transport groups na gawin nilang requirement ang drug test sa kanilang mga tsuper kasunod ng ulat na ang naarestong dispatcher ng Eso Nice bus na nahulog sa 30-metrong lalim na bangin sa Bgy. Banangan, Sablan, Benguet noong August 18, 2010 na ikinasawi ng 42 katao, ay nasa watchlist umano ng PDEA.
Kinilala ang dispatcher na si Alfredo Rivera alyas Jojo na nahuli ng pinagsanib ng operasyon ng PDEA RO1 at La Union Police sa bisinidad ng Eso Nice Terminal sa San Fernando City, La Union.
Si Rivera ay nasa watchlist ng PDEA RO1 dahil itinuturo itong source umano ng droga o shabu ng mga bus drivers at conductors. Naaresto si Rivera makaraang magbenta ito ng shabu sa isang undercover PDEA agent sa halagang P1,000.
Ang pag-aresto kay Rivera ay patunay sa ulat na ilan sa mga aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga public transport vehicles ay hindi sanhi ng mechanical trouble kundi dahil sa ang driver nito ay nasa impluwensya ng droga.
Nababahala si Santiago sa mataas na bilang ng drug-related road accident sa Metro Manila na ang mga driver ay bumibiyahe sa malalayong ruta.
“We have seen an alarming rise in these incidences where drivers use dangerous drugs to stay awake especially if they are driving overnight (graveyard shift) or long distances. We are calling on the leaders of transport groups to help us police their ranks and encourage their members to submit themselves for drug testing as a deterrent to illegal drug use among drivers,” sabi ni Santiago.